BASAHIN SA FILIPINO! Maaaring basahin ang pahinang ito sa FILIPINO. Gawin lamang i-click ang salitang "TRANSLATE" sa kanang bahagi sa itaas at piliin ang pagsalin mula Ingles sa Filipino.

January 2, 2018

Mabini, Batangas: Historical Data

Full transcription of the so-called “Historical Data” for the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.

[Cover page.]

DIVISION OF BATANGAS
DISTRICT OF ALITAGTAG
MABINI ELEMENTARY SCHOOL





HISTORICAL DATA OF THE

MUNICIPALITY OF MABINI

[Preface.]

PANGUNANG SALITA
______________________________

Kung may tahimik na bayan sa lalawigan ng Batangan ay wala nang uuna sa bayan ng Mabini. Ang bayang ito ay nasa timog kanluran ng lalawigan. Ito’y halos palibot ng mabababang bundok at ang mga bundok na ito ay halos palibot ng dagat. Ang sino mang maglakbay sa bayang ito ay nabubusog ang mga mata sa magagandang tanawin. Kung maglayag naman sa dagat na nasasakupan ng Mabini ay walang sayang masisiyahan sa mga paligid na bigay ng kalikasan.

Itong kasaysayan ng Mabini ay naisagawa sa pamamagitan ng mga gurong nagsumikap, nagpagod, at hindi nag-aksaya ng panahon sa paghahanap ng mga katunayan, katotohanan, saksi at katibayan ng kasaysayang ito. Ang mga gurong nakatala sa mababa ay siyang dapat pag-ukulan ng pansin dahilan sa kanilang pagkakapagod: Central – Andres Garcia, Conrado Y. Gutierrez, Francisco G. Sandoval, Miguela B. Calangi, Aniceta P. Jusi, Epifanio B. Sandoval at Anastacio P. Chavez; Talaga – Bernardo A. Ilagan, Maximino G. Reyes; San Juan – Crispulo Sandoval; Mainaga – Josefa R. Panopio; Anilao – Tomas B. Ramirez,, Emiliano R. Mationg, Lorenza Medrano, Leodigaria Belino, Fortunata Reyes at Gliceria Dimaapi; Pulong Anahao – Sergio Panopio; Bagalangit – Jose Abante at Diego Abante; Solo – Melecio J. Aguila at Cayetano Aguila; Saguing – Simeon Garcia, Mamerto Panopio at Modesto Castillo; Malimatoc – Jorge Panopio at Aurelia Panopio; Nag-iba – Laureano Panopio, Gaudencio Sandoval at Nemesia Villanueva.

Ang mga ginoong nakatala sa mababa nito ay siyang dapat pagka-utangan ng loob dahilan sa mga mahahalagang bagay na kanilang ibinigay sa mga gurong nagsiliapit sa kanila na siyang pinagbatayan ng tunay na kasaysayan ng Mabini: Mayor Rafael P. Amurao, Ex-Mayor Julian Bautista, Ex-Vice Mayor Jorge Calangi, Zoilo Evangelista, Silverio Sandoval, Arsenio Villanueva, Alipio Abarintos, Julian Abarintos, Indalicio Calangi, Felix de Torres, Geminiano Beloso, Lino Garcia, Graciano de los Reyes, Julian Castillo, Nicomedes Guia, Vicente Panopio, Marcos Medrano, Epifanio B. Sandoval, Ex-Mayor Nicolas Abarintos, Donato Panopio, Eduardo Espiritu Santo, at Martina Castillo.

At ang kasaysayang ito ay siyang nagsasaad ng mga katunayan at pangyayari ukol sa Bayan ng Mabini.

[Sgd.] ANASTACIO P. CHAVEZ
Principal

[Table of contents.]

TABLE OF CONTENTS

1. Poblacion

2. Talaga

3. Anilao

4. San Juan

5. Mainaga

6. Pulong Anahao

7. Saguing

8. Malimatoc

9. Nagiba

10. Solo

11. Bagalangit

[p. 1]

KASAYSAYAN NG BAYAN NG MABINI

Ang Mabini ay isang lugal na nasa kanluran ng bayan ng Bawan. Siya’y kasalukuyang nagsasabog ng ningning sa lalawigan ng Batangan, at sa kanyang tanglaw ay dahan-dahang hinahawi ang maiiitim na lambong na tumatakip sa kapalaran ng bayan. Nabubuhay ang bayang ito sa laman ng lupa na binubungkal ng mga magsasaka at isdang dinarakip ng may mga palkaya. Ang bayang ito ay hinugot sa ating bantog na tagapagtanggol sa bayang Pilipinas ng panahon ng himagsikan na si Apolinario Mabini.

Hanawhanaw – Pulong Niogan

Noong panahong una, ang bayang ito ay tinatawag na Hanawhanaw-Pulong Niogan. Ito’y malaking gubat na pinamumugaran ng mababangis na hayop at masusungit na Moros. Walang binyagang tao na tumitira rito buhat noon 1700 hanggang 1800 dantaon. Tinatawag na Hanawhanaw sapagka’t ang buong kagubatan ay pulos anahaw – kahoy na batbat ng tinik ang katawan. Pulong Niogan ang tawag sapagka’t ang karatig ay kaniyuganan. Kaya ang lugal na ito ay kung tawagin noong una ay Hanawhanaw-Pulong Niogan. Ito’y binubuo ng mga sumusunod na nayon: Isla ng Marikaban, Tingloy, Mainaga, Talaga, Anahaw, Silo, Bagalangit, Nag-iba, Pulong Balibaguhan, Malimatoc, Saging, at San Huwan. Habang lumalakad ang panahon ay nagkaka-isip naman ang tao. At sa ganito’y utay-utay na nabubuksan ang lugal o kagubatan ng Hanawhanaw-P. Niogan, hanggang sa mabuksan at mahawanan ang lugal. Sa pagsisikap ng mga tao sa una, ang nasabing lugal ay unti-unting umunlad hanggang sa ito’y naging bayan. Noong marami nang mga tao ay naka-isip na magsarile sapagka’t bukod sa rito ay talagang may kalayuan sa kanyang bayan ng Bawan. Hindi nga nalaon at ang kanyang mithi’t lunggati sa pagsasarili ay nakamtan, naisatugatog ng tagumpay. Nakamtan ang tunay na mithiin noong Inero 1, 1918. Pagkalipas ng dalawang taon, ang pulo ng Marikaban at Tingloy na dati-rati’y nasa kasaysayan ng Hanawhanaw-P. Niogan ay humiwalay at sumama sa datihan niyang bayan – bayan ng Bawan. Kaya ngayon, ang bayan ng Mabini ay nabubuo lamang ng labindalawang nayon at ang mga ito’y: P. Niogan, Anahao, P. Balibaguhan, Talaga, Anilaw, Mainaga, Nag-iba, Bagalangit, Solo, Malimatok, Saging at San Juan.

Ang mga nagtatag ng bayan ng Mabini ay ang tanyag na mga lalaking sadyang tubo ng Hanawhanaw-P. Niogan at sila’y tumutugon sa mga pangalang Pedro Ortega, Nicolas Casapao, Benito Calangi, Tomas Castillo, Epifanio Abrigonda, Tomas Villanueva, Nicomedes Guia, Nicolas Abarintos, Cipriano Panopio, Juan Dolor, Vicente Panoptio at Esteban Castillo.

[p. 2]

Ang nagbigay-loob ng lupa na pinagtatayuan ng bahay-pamahalaan ng Mabini ay si Pedro Leynes; ang lupang simbahan ay iniabuloy ni ginoong Tomas Castillo; ang lupang palengke naman ay kay Hilaria Castillo, at ang lupang libingan naman ay sa pangalan ni Epifanio Abrigonda. Kaya’t nang ang mga taong ito ay makapaghandog ng tunay na kailangan ng isang bayan ay naitatag ang kanilang mithi.

Si Don Francisco Castillo na noong hindi pa naitatag ang bayan ng Mabini ay tanyag hindi lamang sa kanyang salapi kundi sa pagiging kapitan ng hukbo ng Hanawhanaw, na nakipaglaban sa mga kawal Amerikano. Nagpakilala si Don Francisco Castillo ng damdaming makabayan at kagitingan, kaya’t siya ang pang-unang tumanggap na pagkapunong-bayan ng Mabini. Ang pangsamantalang katulungin ni Don Castillo ay si Marceliano Castillo. Sina Tomas Castillo, Alberto Pulhin, Epifanio Abrigonda, Fermin Buenviaje, Cipriano Buenviaje, Pedro Manalo, Venancio Castillo at Nicomedes Guia ang mga konsehal. Ang huwes ay si Ginoong Tomas Cuevas; taga-ingatyaman, Jose Generoso; Kalihim, Romualdo Robles; puno ng alagad ng batas, Lino Garcia.

Matimawa ang bayan sa ilalim ng mga taga-pamahalang ito. Sa padalawang taon (1918-1920) na nakaupo si Don Castillo ay nagkaroon ng halalan. Inilaban ng bandong Ibaba si Ginoong Indalecio Calangi at sa panig ng Ilaya ay si Don Francisco Castillo na nakaupo. Nahalal si F. Castillo. Tatlong taon siyang umupo at humawak ng ugit ng pamahalaan ng Mabini. Noong 1923 na nagkaroon ng halalan ay lumabang muli si G. Indalecio Calangi. Tinalo si Don Francisco Castillo sa labanang ito subali’t noong bilanging muli ang mga balota sa Hukuman ng Unang Dulugan ng Batangan, ay may panalo pang walong boto si Don Castillo. Noong sumunod na halalan ay lumaban ang pangalwang pangulo na si Nicolas Abarintos kay I. Calangi. Nagtagumpay si Nicolas Abarintos. Nguni’t sa kanyang pagkapamahala ay walang gasinong nai-unlad ang bayan. Si Ginoong Julian Bautista ang lumaban naman sa panig ng bandong Ilaya. Si Nicolas Abarintos ay hindi na napamungkahi sapagka’t nagkaroon ng pangamba na hindi rin lalabas. Si I. Calangi ang nakipaglaban. Dahil sa si J. Bautista ay may magandang kinabukasan nang panahong siya’y tumuntong sa pulitika, nanalo siya. Siya ang pinili ng bayan. Tatlong taon siyang nanungkulan nang walang masabi ang mamamayan. Noong 1932 ay naghalalan na naman. Si I. Calangi at si J. Bautista ang magkapanangal. Napili na naman si J. Bautista. Samakatuwid, namahala siya sa bayan ng Mabini buhat noong 1929-1932 at 1931 hanggang 1935.

Noong 1935 ay nagkaroon ng halalang muli. Ang magkalaban ay si J. Bautista at I. Calangi. Hindi akalain ng mga tao na si J. Bautista ay talunin ayon sa kanyang naisagawa na. Datapwa’t walang magagawa ang naging kapanalig ay matandang tali na bukod sa may karanasan na ay mayaman pa. Sa madaling sabi, si I. Calangi ang nanalo. Si G. Bautista ay nanarile na ng tutuhanan. At buhat

[p. 3]

noong taon 1935 hanggang sa noong pumutok ang digmaan noong 1941 dito sa Pilipinas ay si I. Calangi ang umugit. Naging kapanalig niya si G. Jose de Gracia nguni’t nabigo ang huli sa kanyang hangarin. Noong taong 1941, tayo’y nasa kamay ng mga Hapones. Nang dumating sila sa bayan ng Mabini ay hindi natagpuan ang punongbayan. Ipinatawag siya at siyang inilagay rin na mamahala ng bayan. Mahigit na dalawang taon na nanungkulan si G. Calangi sa Mabini noong tag-Hapon. Nitong bumabagsik ang kapalakaran ng Hapon, si G. Calangi ay nagbitiw alalaon baga’y nangangamba siya na baka mahulog sa mga kamay ng mababangis na kaaway.

Si Ginoong Marcelo Gutierrez naman na noo’y pangalwang pangulo ang tumupad ng tungkulin na pagkapangulo ng bayan. Sinikap niyang ang bayan ay huwag mahirapan sa malupit na mga Hapon. Noong matahimik na ang bayan ay muli na namang umupo si Ginoong Indalecio Calangi. Sa pamamahala niyang ito dumating ang mga Amerikano.

Noong taong 1946, si Ginoong Manuel Roxas ay nahalal na pangulo ng Pilipinas. Ang mga pangulo sa lahat ng bayan ay pawang mga hinirang at hindi dinaan sa halalal. Kaya't’si Ginoong Rafael P. Amurao ang napiling pangulo ng bayan ng Mabini. Palibhasa’y si G. Amurao ay marunong sa pulitika ay nakuha niya ang damdamin ng nakararami sa bayan ng Mabini. Nang dumating na ang halalan ay ikinawit siya sa bandong Ilaya. Lumabas siya na punong bayan na ang kalaban niya ay si Indalecio Calangi. Umulit na halalan ay inilaban ng Ibaba si Basilio Calangi. Tinalo rin ito. Sa madali’t salita, si R. Amurao ang umugit buhat noong 1945-1947; at 1947 hanggang 1951 at inaasahan muli ng kanyang bando na mananalo sa susunod na halalan.

Sinunog

Pagkalipas ng labanan ng Kastila at Pilipino ay sumunod naman ang Amerikano at Pilipino. Taong 1899 nang sa lugal ng Hanawhanaw ay magkaroon ng labanan. Katakut-takut ang nangyari. Si Kapitan Francisco Castillo at si Kapitan Jacinto Dimaculangan ang mga namuno ng hukbo rito at sila ang nakipaghamok. Ang mga sundalong Amerikano ay pawang nangakakabayo at nangakabaril samantalang ang mga sundalo nina Kapitan Castillo at Dimaculangan ay pawang sandatahan. May ilan silang baril na napulot at nasamsam sa mga Kastila ng panahon pa ng himagsikan. Habang ang dalawang pangkat ay hindi pa nagkakapitasan ay patuloy ang kanilang pagsalakay. Kaya’t sa libis ng Hanawhanaw na ngayon ay Pulong Anahaw sila nagtagpo. Walang hanhan ang putukan. Patuloy ang kanilang pagsalakay, kaya’t sila ay napitasan ng apat na kawal. Umurong ang mga Amerikano. Humingi ng tulong sa kanilang puno na nasa Batangan. Nang dumating sa lugal na pinaglalabanan ay walang makitang kaaway nila (Kano). Sa ganitong pangyayari ay sinilab ang buong nayon. Sinunog ang balanang maibigan. Kaya’t ang lugal na iyon ay kung tawagin ay Sinunog.

[p. 4]

Mainit

Sa dakung kanluran ng Nag-iba ay isang lugal na kung tawagin ay Mainit. Mainit talaga roon. Ang halaman kung tag-araw ay pawang nangatutuyo. Walang nagbabahay sa lugal na iyon. At sa buong katutuhanan pa nito ay sa piling ng dalampasigan ay may tubig na napaka-init. Bumubulak. Pag humukay ng kaunti ay lalabas ang tubig na mainit. Maraming tao ang sumubok na kung talaga ngang mainit. Naglagay ng itlog sa tubig at sa loob ng ilang minuto ay luto agad. Marami ang nag-iiskursiyon dito para nga huwag masabihan na sa Mabini pala ay may mainit na bukal ng tubig. Sa sandaling makarating sila roon ay pawang nangagtataka. Ang sabi ng ibang nakakakita ay baka raw bulkan, nguni’t hindi, iyan ay mainit lamang.

Paaralan

Simula nang masakop ng Amerikano ang Pilipinas noong 1900 ay nagkaroon ng paaralan ang Hanawhanaw-P. Niogan. Dalawa lamang baitang sa mababang paaralan ang ipinagkaloob sa baryong ito noon. Ito’y kung tawagin ay “Pulong Niogan Barrio School.” Nakatirik sa pusod ng Pulong Niogan. Ang nasabing paaralang ito ay yaring kugon at sawaling pinagsagop. Ang nagturo rito ay si Ginoong Esteban Castillo at si Ginoong Luistro. Ilang taong nagtiis ang baryong ito sa dalawang baitang. Samantalang dumarami ang mag-aaral at nagsikip naman ang paaralan. Kaya’t nakahiling na maragdagan ang paaralan. Nahustong apat na baitang. Tuloy ang pagdami ng mag-aaral hanggang sa hindi malaman o makaya ang itinayong paaralan. Anu pa’t nagtiis ng maraming panahon ang Hanawhanaw sa kanyang naadhikang paaralan. Nang maging bayan na ay nagkaroon ng hustong baitang. Ang kauna-unahang guro na sapul nang itatag ang Mabini ay si Ginoon Anselmo Sandoval at kumuha naman ng mga guro sa ibang bayan upang sila ang magturo mula sa ika-5 hanggang sa ikapitong baitang. Ang Pulong Niogan Barrio School ay hindi na siyang pangalan kundi Mabini Elementary School. Makapal na ang nagsisipasok. Nangagka-isip na ang mga magulang sa pagpapa-aral sa kani-kanilang mga anak. Yaong malayo sa bayan ay sadyang naninirahan o nanunuluyan sa bayan para makapasok. Sumaya na nang sumaya ang bayan. Nang hindi na makaya ng Mabini Elementary School ang mag-aaral ay nagkaroon ng pagkaka-isa ang mga taga-Talaga at karatig baryo na magtayo ng paaralan doon. Hanggang paapat na baitang ang naging unang paaralan doon. Ang Anilaw ay naka-isip ding gumawa ng ganito. Kaya’t lumuwag-luwag naman sa Mabini Elementary School. Subali’t hindi rin naniig sa kanilang (Talaga at Anilaw) naipagawang paaralang iyon sapagka’t paglalipas ng apat na takbuhan sa Mabini Elementary School at doon nagpapalima.

[p. 5]

Taon-taon ay gayon ang ginagawa ng galing sa Talaga at Anilao. Buhat noong 1918 hanggang 1941, ang nagsisipagtapos ng paapat sa Talaga at Anilaw ay sa Mabini Elementary School nagsusundo ng ika-pitong baitang.

Nang masakop na tayo ng Hapones ay huminto ang paaralan at kung baga man mayroong nag-aaral ay kaunti lamang na hindi naman totoong napakinabangan. Kaya’t noong muling dumating ang mga Amerikano na mabuksan na ang mga paaralan ay gayon na lamang ang humuho sa paaralan ng Mabini Elementary School. Hindi makaya ng nasabing paaralan ang mga nagsisipasok. Sa ganito’y nagkaroon ng hustong baitang sa Talaga; sumunod ang Anilaw at pagkalipas ng dalawang taon pa’y ang Sulo naman. Ngayon, ang halos lahat ng baryo sa Mabini ay may kani-kaniyang paaralan.

Kalsada

Ang daan noong una ay hindi kamalay-malay masabi sapagka’t ang bayan ng Mabini ay bagnos-bagnos buhat sa Bawan hanggang sa Hanawhanaw. Karaniwan sa mga tao ay sa baybay Aplaya dumaraan kapag umuuwi sa Bawan o di kaya’y sakay sa kabayo na namamalibad sa bundok na patungong bayan ng Bawan. Noong maging bayan na ay utay-utay na napaganda’t napaluwang hanggang sa magkaroon ng aspalto.

Ang bahay pamahalaan, na noong bago pang tatag ang bayan ay isa lamang bahay na ang bubong ay sasa. Nguni’t napalitan na ito at naging maganda at matibay na. Ginawa ito noong taong 1935 sa pamumuno ni Julian Bautista.

Ang simbahang Katoliko ay sapul sa bayan; maganda, maayos, at matibay pa. Subali’t nang dumaan ang bagyong “Jean” noong 1947 ay nagiba, lumagpak. Magaling na lamang at sa mabuting paraan ng pare na si Padre Aquino ay naipagawang muli ito sa pamamagitan ng pagpaparipa sa ngalan ng simbahan. Kaya bago na ngayon.

Noong taong 1933, nakapagpagawa ng palengke. Ito’y katamtaman ang ganda, tibay at ayos. Ito’y hindi ang bagyong Jean ang gumiba kundi ang walang dangal na Hapones nang sila ang mamayan sa Mabini. Matagal na panahong nagtiis ang mamamayan sa palengkeng sira. Ang mga magtitinda, kung umuulan, ay nasagabalan at kung mainit ay gayon din. Kaya’t nang si Ginoong Rafael P. Amurao ay maging punongbayan ay naipagawa ng matibay at maganda pa. Ito’y malinis at hindi naman kahiya-hiya sa ibang bayan.

[p. 6]

Noong dumating ang Amerikano bilang puwatin ang pinarurusahang Pilipino sa kamay ng mga walang pusong Hapones ay umasa na ang lahat na makakaligtas sa mga sakuna at sagabal sa buhay, subali’t sa sama ng loob ng mga Amerikano, ang mga Hapones ay binumba ng bumbang panunog ang baryo ng Anilao at Mainaga na tinitirahan ng mga Hapones. Halos lahat ng bahay ay nasabing mga lugal na pawang nangasunog. Katakot-takot ang naging paghihikahos ng mga tao rito. Hindi naman nalaon nabawi ang mga nasilab na bahay sa pamamagitan ng “War Damage Commission.” Ngayo’y masalaya na at sumag-uli ang buhay ng dalawang pook.

Pulitika

Buhat pa sa pamula na maging bayan ang Hanawhanaw ay walang masasabing ligalig ang bayan ng Mabini, nang si G. Rafael Amurao ay mapalagay na punongbayan ay napakalinis. Ang bayan ng Mabini ay di tulad ng Lanao at Negros Occidental na may mga pangalan ng ibon at hayop at ang mga taong patay na marunong manghalal. Dito sa Mabini ay wala niyan. Wala rito niyong nakawan, patayank, saksakan, bonguan, dayaan, lukuhan at iba pang masasamang gawi ng tao tulad sa Maynila. Sa Maynila, marurunong at matatalino ang tao, nguni’t pag pala lampas ang karunungan at masama ay ginagagawa. Sa Mabini ay wala niyang bumabali ng laye o batas. Ang mamamayan dito ay walang dapat ipag-alala sa kanilang tahanan sapagka’t wala niyang tulisan, walang magnanakaw, walang nandarambong, walang mamamatay-tao at walang Huk. Walang nanliligalig sa magsasaka at mangingisda. Kung ang pag-uusapan ay katahimikan, kasayahan, karunungan, katalunuhan at pagkamasunurin sa ipinag-uutos ng bayan ay pinauuna ko na ang bayan ng Mabini sa lahat ng bayan, sapagka’t sa dulong silangan, ang mamamayan dito ay nagkaka-isa sa ano mang ikabubuti ng bayan. Iisa ang relihion dito. Wala ritong sungalngalan. Dito’y nagpaparaanan at nagbibigayan. Wala rin dito ang alitan kung panahon ng halalan. Dito’y walang lumalapastangan sa punongbayan, sa alagad ng batas, at sa iba pang taong-pamahalaan. Wala ditong nagiging punongbayan buhat sa simula na madaya, nagtutuwid ng liko, at liniliko ang tuwid. Dito’y ang tuwid ay tuwid, at ang liko ay tunay na liko. At papaano magkakaroon ng liko’t buktot na asal samantalang pawang masusunurin ang mga mamamayan? Kaya’t ang Mabini ay Mabini hangga’t nakatayo sa apat na sulok ng kanyang maningning na kinabukasan.



Matitipid ang mga tao rito. Sa halip na gastusin ang kuwalta sa walang kabuluhang bagay tulad ng pagsusugal, pag-iinom, ay tumitigil na lamang sa tahanan at nililingil ang paghahanap-buhay, may kakusaan sa paggawa at iba pa.

Nang ang Hapones ay manahan dito sa bayan ng Mabini ay ginawang “Headquarters” ang gusali ng mababang paaralan dito sa central. Humigit-kumulang sa dalawang taon na tumahan ang mga Hapones dito sa nasabing paaralan. Nang mabatid nilang walang itatatag sa darating na Amerikano ay kinuhang lahat ang mga kasangkapan, at iba pang mahahalagang gamit sa paaralan, tulad ng aklat, makinilya, mga kagamitan sa “shop” at kung saa’t saan nila dinala. Malaki ang naging kasiraan dito sapagka’t habang sila ay nakatira dito ay iginagatong ang mga nakuhang kasangkapan sa kanilang pagluluto. Kaya’t nang dumating dito ang mga Amerikano sa Anilao,

[p. 7]

noong Marso 14, 1945, ay kaaba-aba ang bayan ng Mabini. Nabuksan nga ang paaralan ng Mabini Elementary School, subali’t kulang na kulang sa mga kagamitan tulad ng pisara, mga aklat at iba pa. Hindi nalaon at ang mga ito ay nagkaroon, nguni’t kulang naman sa mga upuan ng mga batang nagsisipasok, at halos ang mga batang nag-aaral ay siyang nagdadala ng kani-kanilang upuan. Nagtitiis pa rin ang mga batang nagsisipag-aral sa sirang paaralan hanggang ngayon, liban na lamang sa bagong “Intermediate Building” na bagong pagawa noong Hunyo, 1952, at nagkakahalaga ito ng ₱9,000.00.

Ang mababang paaralan ay nangangailangan na ipabago, sapagka’t bukod sa nakuha ang mga kagamitan ay nasira pa ng bagyong nagdaan na kung tawagin ay “Typhoon Trix,” na dumaan noong Nobyembre, 1952. Malaki lalo ang naging kasiraan. Apat na pitak o silid ang napinsala, na kalumbay-lumbay pagmasdan ng sinong makakita. Kung umuulan at lumalakas ang hangin ay pumapasok sa loob ng silid. Hindi napagturuan ang silid ng unang baitang. Buhat nang lumaki ang kasiraan ng paaralang ito ay walang nilulunggati ang mga alipin na bayan at ang mga mamamayan kundi ang humingi ng tulong sa pamahalaan para mapalitan ng bago ang gusali ng mababang paaralan.

Mabini High School – Mabini Haiskul

Buhat nang magkaroon ang bayan ng Mabini ng mataas na paaralan, ay nakapagdulot ng lalong napaka-inam na panukala sa mga nagtapos sa mababang paaralan at nagnanais na mag-aral sa mataas na paaralan. At sa ganito’y sa halip na doon mag-aral sa Batangan ay mayroon ngayon na malapit at mahusay na paaralan. Gaano kahirap ang tinatamasa ng mga taga-rito kung dadayo pa sa Batangan ng pag-aaral? Gaano ang nagugugol na salapi sa mag-aaral na taga-Mabini kung umaga’t hapon ay uwian? Malaki; at kung nangangasera, ay gaano rin ang kanilang ibabayad? Yaon lamang nakaririwasa sa buhay ang nakapapagpatuloy ng pag-aaral. Maraming gustong mag-aral, subali’t nagtitiis na lamang, sapagka’t walang salaping dapat na magugol. Dahil nga sa malaking pagnanais na ang kani-kanilang mga bata ay makatapos man lamang sa mataas na paaralan, ay tumawag ng pansin ang Kg. na si R. Amurao, punongbayan ng Mabini, sa mamamayan upang ipaabot nga sa kanilang mga puso ang isang bagay na kailangan ng bayan at mamamayan. Samantalang malaki nga ang pagnanais nila, sumang-ayon sa panukala si G. R. Amurao. Inanyayahan niya ang angkan ng Solis sa Taal para magtayo ng mataas na paaralan dito, at sinabi niya na suliranin ng kanyang kababayan ang pagpapa-aral sa mataas na paaralan kung dadayo pa sa Batangan. Madaling tumugon ang mga Solis, kaya’t noong Hunyo, 1948 ay nagtatag sila at pinasukan din nang taong yaon. Marami agad ang nagsipasok.

Noong isang taon, 1952, nagbigay ang Bureau ng paaralang privado ng pagsusulit sa mga paaralang pansarili, para malaman ang kani-kanilang antas. Sa 695 na pansariling haiskul at 33,476 na mag-aaral ay nakakuha ang Mabini Haiskul ng ika-15 na pinakamataas. Ang nakuhang marka ay 100.81 kaya’t nang masuri, ang Mabini na kabilang sa paaralang ito ay nakakuha ng ika-15 puwesto sa pinakamataas.

[p. 8]

MGA BUGTONG

1. Nang maglihi’y namatay
Nang manganak nabuhay. (sinigwelas)

2. May tatlong dalagang nagsimba
Berde ang suot ng una,
Puti ang pangalawa
Ang pangatlo ay pula
Nguni’t nang magsilabas sila
Pare-parehong nakapula. (hetso, apog, at bunga)

3. Nang hawak ay patay
Nang ihagis ay nabuhay. (turumpo)

4. Naibigan pa ang basag
Kay sa buo’t walang lamat. (kamatsile)

5. Baston ni Adan
Hindi mabilang-bilan. (ulan)

6. Dahong pinagbungahan
Bungang pinagdahunan. (pinya)

7. Kung araw ay natutulog
Sa gabi’y naglilibot. (kuwago)

8. Hindi madangkal, hindi madipa
Pinagtutulungan ng lima. (karayom)

9. Dalawang mabilog
Malayo ang abot. (mga mata)

10. Isang bayabas
Pito ang butas. (Mukha)

11. Di man isda, di man itik
Nakahuhuni kung ibig. (palaka)

SALAWIKAIN

1. Di man ibigin
Huwag mong hiyain.

2. Sa marahang pangungusap
Sa puso’y nakakalunas.

3. Ang di marunong maki-ugali
Walang kabuluhang umuuwi.

[p. 9]

4. Ang bayaning masugatan
Nag-iibayo ang tapang.

5. Ang di magsapalaran
Hindi makatatawid ng karagatan.

6. Mahanga’y puring patay
Sa masamang puring buhay.

7. Ang salita ng mayabang
Kahit na tutoo’y hindi maaaring paniwalaan.

8. Walang matibay na bagin
Sa matiyagang bibitin.

9. Matalas man ang gulok mo
Pag di laging inihasa’y
Mamomorol na tutoo.

10. Ang babae sa lansangan
Gumigiring parang tandang.

11. Ang mahinhing dalaga
Sa kilos nakikilala.

12. Ang lumalakad ng marahan
Matinik man ay mababaw.

13. Ang tao ay pag nakakuha ng gusto
Ay nakalilimot ng totoo.

14. Pag ang kaibigan mo ay nangangailangan
Huwag nang antayin pang ikaw ay paki-usapan.

15. Ang kabaitan ng lahat
Mahalaga sa ginto’t pilak.

16. Mabuti sa tingin
Nakahihiring kung kanin.

17. Mabigat man ang kalap,
Kung tulong-tulong ang magkakamag-anak
Nagaan ang pagbuhat.

[p. 10]

18. Ang lihim na katapangan
Siyang pinakikinabangan.

KAUGALIAN AT GAWAIN SA PANGANGANAK

1. Kapag ang isang ina ay nanganak, ang ama ay magpapapotok ng baril or rebendator o kuwites, bilang pasasalamat at nakadaang maluwalhati sa panganganak.

2. Pag ang batang bagong anak ay nililuguan ay nilalagyan ng kuwaltang plata ang tubig upang ang bata ay mamuhay ng sagana pag lumaki na.

3. Pag ang batang bagong anak ay lalaki, ang inuman ay inilalagay sa isang tabo o baso at sinasamahan ng isang puhas na papel, isang puhas na aklat at kaputol na lapis upang ang bata ay dumunong pagtanda.

4. Kapag ang bata naman ay babae, ang inuman ay inilalagay din sa isang tabo o baso at sinasamahan naman ng kapirasong damit at isang karayum na may buhag upang ang bata ay matuto ng pananahi pagtanda.

5. Ang inunan ay ibinabaon sa balisbisan ng bahay upang ang bata ay huwag maging maginawin o sa silong ng bahay upang ang bata ay huwag maging layas.

KAUGALIAN AT MGA GAWAIN SA PAGBIGINYAG

Kapag ang bata ay naipanganak, ang mga magulang ng bata ay napili ng tao na papapag-anakin sa binyag. Kapag ang bata ay may sakit o mahina, karaniwan ay binubuhusan sa ulo at sinasabi ang salita ng pari na ginagamit sa pagbibinyag. Pagdating ng kaarawan na itinangi ng mga magulang sa pagbibinyag, ang padrina ay nagpapadala ng damit bibinyagan. Isinusuot sa bata ang damit at dinadala sa simbahan upang binyagan ng pari. Ang kaarawan ay may handaan on kainan. Bago umuwi ang nag-anak sa binyag ay nagpapakimkim sa bata ng kuwalta o nag-aayaw ng ano mang regalo para sa bata.

[p. 11]

KAUGALIAN SA PANGINGIBIG AT PAGKAKASAL

Kapag ang isang dalaga at binata ay nagkaka-ibigan, ang binata ay nanunuyo sa pamamagitan ng pag-igib,pagbayo, pangangahoy at pagreregalo ng sari-saring ikagagalak ng dalaga at kanyang mga magulang. Pag gusto na nila pakasal, ang magulang ng lalake ay nalapit sa magulang ng babae at pinag-uusapan ang kaarawan at paghahanda ng kasal. Kung minsan, ang magulang ng dalaga ay humihilang ng bilang bago dumating ang kaarawan ng kasal ay ang dalaga ay ibinibili ng damit pangkasal. Pagdating ng kaarawan ng kasal, napunta sila sa simbahan upang kasalin ng pari. Karaniwan ay may baysanan. Pagkatapos ng pagpapakain sa mga panauhin, ang nag-anak sa kasal ay naglalagay ng dalawang plato sa mesa may lamang segarilyo. Ang mga kamag-anak ng babae ay naglalagay ng kuwalta sa plato ng lalaki at ang kamag-anak ng lalaki ay naglalagay naman sa plato ng babae. Pagkatapos ng sabugan, ang kuwalta ay binabalot ng lalaki sa kanyang panyo at iniaabot sa babae. Pagkatapos noon ay ang babae ay dinadapit sa bahay ng lalaki. Karaniwan sa bukid ay ayaw sa bahay ng lalaki upang tumulong sa paglilinis.

GAWAIN AT KAUGALIAN PAG MAY NAMAMATAY

Kapag may namatay sa isang bahay, nagtitipon-tipon ang magkakamag-anak at sumasama sa paglilibing. Sa pag-aapat na araw ay nagdadasal sa bahay ng namatay. Kung bata ang namatay ay pagdadasal sa apat na araw ay may handaan. Kapag ang namatay ay matanda ay sa pasiyam na araw ay nagdadasal din. May handa sa bahay ng namatay, nagtitipon-tipon ang magkakamag-anak at nagsasalo-salo pag nakapagdasal.

MGA IRIHIYA

1. Kapag may namatay ay hindi nagpapawalis sa bakuran hanggang hindi nakakapag-siyam na araw, pagka’t para daw winawalis ang buhay ng natitira pa sa pamelia.
2. Kapag ang patay daw ay malambot, ay hindi magluluwat at mayroon pang mamamatay uli.
3. Kapag ang ilalim ng nakasigang palayok o kawali ay may apoy ay may dadating na bisita.
4. Kapag ang pusa ay naghihilamos na nakaharap sa pinto ay may dadating na bisita.

[p. 12]

5. Kapag sa pagkain ay nalaglag ang isang kutsara ay may dadating na bisitang babae; kapag ang nalaglag ay tinidor ay ang dadating ay lalaki.
6. Kapag ang kuko ng isang tao ay may markang puti sa gitna ay pagdaing ng araw ng pagpuputol ng kuko sa tapat ng puti ay ang may kanya ng kuko ay dadatnan ng regalo.

↓ Scroll down to leave a comment.

Notes and references:
Transcribed from “Historical Data of the Municipality of Mabini” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.

🙏 Kindly consider sharing this article on your social media accounts to keep this site free for students and lovers of Batangas History.

If you wish to make a donation to Batangas History, click on the Donate button below:

Leave a comment: