January 2, 2018

San Juan, Mabini, Batangas: Historical Data

Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of San Juan in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.

[p. 1]

KASAYSAYAN NG NAYON
SAN JUAN


I – UNANG BAHAGI

1. Kasalukuyang pangalan ng nayon.
Ang mga taga-rito sa nayong ito ay mga religioso kaya’t ang pinili nilang pangalan sa kanilang nayon ay SAN JUAN, isang ngalan ng santo upang ipakilala ang kanilang tapat at lubos na pananalig sa religiong Romano Katoliko na siyang kinasasandigan nila.

2. Karaniwang pangalan ng nayon at pook na nasasakupan.
Ang nayong SAN JUAN ay kilala ng marami sa bansag na Nag-ilong, lalong-lalo na sa mga taong tumitira sa mga karatig nayon. Nag-ilong ang unang itinawag sa nayong ito sapagka’t ang lupang sakop nito ang simula ng ungos na lupang sakop ng bayang Mabini na kung tingnan sa mapa ay hugis ilong. Ang pook na nasasakupan nito ay ang tabi ng dagat at ang mga bundok na tinatawag na Lungay.

Sa tabihan sa silangan ay ang dagat Batangan, sa ilaya ay ang nayon ng Sta. Rita, sa kanluran ay ang nayon ng Patogo (sakop ng Bauan), at sa ibaba ay ang nayong Mainaga.

3. Pitsa ng itayo ang nayon.
Mula nang maging bayan ang Mabini, ang San Juan ay isang pook na sakop ng Mainaga. Pagkatapos ng gira, noong 1947, ang San Juan ay itinatag bilang isang nayon ng bayan ng Mabini.

4. Pangunahing mga anak dito sa nayon.
Ang mga pangunahing anak dito sa nayong ito ay sina Evaristo Silang, Silverio Silang, Roman Castillo, Lorenzo Gonda, Hermogenes Silang, at si Arsenio Villanueva.

5. Lista ng mga pangulo o namumuno mula noong unang panahon.
Sapagka’t hindi pa nalalaunan ang pagkakatatag ng nayong ito, ang naminuno at namiminuno hanggang ngayon ay si G. Arsenio Villanueva.

6. Kuento ng datihang nayon o pook na ngayon ay inalsan ng mga tao o kaya ay baong naging pook.
Noong unang panahon, hanggang sa ang mga malulupit na kawal Hapones ay nanakop sa atin, ang nayong San Juan ay isang sakop na nayon lamang ng Mainaga. Wala silang paaralan at ang mga batang pumapasok ay sa Mainaga pumupunta. Noong magkagira (Post Liberation), ang mga tao ay nagkaisang humingi ng pitisyon sa mga kinauukulan upang sila ay maging nayong bukod sa Mainaga. Ang pitisyon ay pinagbigyan at ang mga tao ay nagtulong-tulong upang magtayo ng paaralang maaaring pasukan ng kanilang mga anak.

7. Makasaysayang lugar.
Ang buong nayon ay makasaysayan sapagka’t puno ito ng iba’t-ibang uri ng mga halamang napagkukunan ng mga tao ng kanilang ikinabubuhay. May dagat silang napapangisdaan. Ang mga bundok ay kasalukuyang tinitibag upang kunan ng mga batong ginagamit sa “Caltex” na kasalukukayng itina-

[p. 2]

tayo sa bayan ng Bauan. Ang nayong ito ay nangunguna sa dami ng saging.

8. Mahahalagang pangyayari na naganap sa nayong ito.
Noong panahon ng digmaan (1941-45), ang San Juan ay pinagkotahan ng kawal Hapones. Nagkaroon ng mabangis na labanan dito noong kasalukuyang umuurong ang kawal Hapones.

9. Mga nawasak na buhay at kabuhayan o pag-aari at gusali noong nagdaang digmaang 1896-1900 at 1941-1945.
Wala pang maraming taong tumitira sa nayong ito noong digmaang 1896-1900 kaya’t wala ring pinsala na naganap sa nayong ito.

Noong panahon ng digmaang 1941-1945, nagkota ang mga Hapones dito. Pinalayo ang sadyang naninirahan dito at sila ang namalagi. Sinalantang mabuti ng mga kawal Hapones ang mga halaman ng mga tao. Ang mga hayop katulad ng mga baka, baboy, at manok ay pinagkukuha rin ng Hapon.

Dahil sa ipinagbabawal ng Hapon ang pagtira ng mga Pilipino dito noong panahong yaon ay isang buhay ang kanilang kinitil bunga ng di pagsunod sa kanilang utos.

Noong bawiin ang Pilipinas ng mga kawal Amerikano at ang mga girilyang Pilipino [ay] nagkaroon ng labanan sa nayong ito. Maraming tao ang napatay bukod sa mga nasugatan.



II. IKALAWANG BAHAGI

1. Ugali at karaniwang gawain ng mga tao.
Ang mga tao sa nayong ito ay masisipag. Marami sa kanila ang pumupunta sa ibang lugar upang maghanap-buhay katulad ng pagdadamit. Ang lahat ng lupa ay pawang may mga halamang pinagkukunan at ikabubuhay. Kahit harap sa dagat, ilan lamang ang mga nangingisda.

Sa nayong ito ay hindi malimit ang papiyasta. Ang binyagan ay ipinaghahanda kung may kaya ang may anak. Kalimitan sa kasalan ay [may] handang tinatawag na baysanan. Dito ang gumugugol ay ang angkan ng lalaki. Kung may namamatayan naman, mayroon ding dasalang katulad ng karaniwang ginagawa sa ibang lugar. Mayroong apatang dasalan, may siyaman, at babaan ng luksa.

2. Mga alamat.
Noong unang panahon, wala pang nakakakikilala sa nayong ito, ay may taga-ibang lugar na nakakarating dito. Hindi nila malaman kung anong ngalan ng lugar na kanilang narating. Ang nakita ng mga dayuhan sa nayon ay ang mahahabang buhok ng mga naninirahan sa pook na nasa itaas ng bundok. Natuwa sila sa haba ng mga buhok na pawang nakalaylay na halos umabot or sumayad sa mga sakong ng mga lalaki. Mula noon, tinawag ang bundok ng San Juan ng Lungay.

3. Urasan.
Karaniwang ginagamit ng mga tao ang mga relo upang pagkunan ng oras. Sa mga iba namay ay ang tayo ng araw ay siyang pinagkikilanlan ng oras. Ang mga huni ng ibon at mga tilaok ng mga tandang ay napagkikilanlan din ng oras.

[p. 3]

4. Karaniwang awit.
Ang mga karaniwang awit dito ay ang mga kundimang:
a. Madaling Araw
b. La Paloma
k. Ikaw, atbp.

5. Bugtong o patukuyan.
a. Munting uling nakabitin, puera duhat nakakain. (bignay)
b. Matanda na ang nuno, di pa lumiligo. (pusa)
k. Pantas ka man at bihasa, sa patuturan ay maalam ka, aling bunga ang bumulaklak, at aling bulaklak ang bumunga.
d. Aling ina ang sumuso sa anak? (dagat sa ilog)

6. Salawikain.
Ang mga salawikain sa nayong ito ay ang mga sumusunod:
a. Ang iyong kakanin, sa pawis mo manggaling.
b. Pag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin.
k. Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.
d. Ang bato man ay matigas, sa panay na patak ng ulan ay pilit ding maaagnas.

7. Iba pang kakana.
Ang Himala ng Mukha ng Mahal na Poon sa Bawan

Noong unang panahon, ang mukha ng mahal na Poon sa Bauan ay bigla na lamang nawala. Buong bayan ay naghanap sa nawawalang mukha. Marami ang nagsasabing ang mukha ay ninakaw ng mga taong maruruming budhi. Matagal na hinanap ang nasabing mukha subali’t hindi matagpuan. Ang mga tao ay nawalan na ng pag-asa na makita pang muli ang dating mukha.

Nalimutan na ng mga tao ang nawawalang mukha at tulad ng dati ay hinarap na ng lahat ang kani-kanilang mga gawain.

Isang araw sa dagat ng Batangas ay namukot. Maraming isda silang hinulugan. Isa’t-isa’y nag-akalang marami silang mahuhuling isda.

Itinaas ang lambat at sa pagnigilalas ng lahat ay walang isa mang isda. Wala naman silang makitang butas ng lambat na maaaring labasan ng isda.

Ang katapusang bahagi ng lambat ay itinaas at sa kanilang pagtataka ay naruon ang mukhang kanilang hinahanap, ang mukha ng mahal na Poon na walang ipinagbabago.

↓ Scroll down to leave a comment.

Notes and references:
Transcribed from “Kasaysayan ng Nayon (San Juan),” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.

🙏 Kindly consider sharing this article on your social media accounts to keep this site free for students and lovers of Batangas History.

If you wish to make a donation to Batangas History, click on the Donate button below:

Leave a comment: